Ilang emergency seats, ipinagbawal na ng Asiana Airlines kasunod ng door-opening accident
Huminto na sa pagbebenta ng ilang emergency seat ang Asiana Airlines ng South Korea, kasunod ng isang aksidente kung saan isang pasahero ang nagbukas ng emergency exit habang nasa ere pa ang eroplano.
Nangyari ito sa A321-200 plane, na may lulang halos 200 mga pasahero habang papalapit ito sa runway sa Daegu International Airport, may 240 kilometro (149 milya) timog-silangan ng Seoul.
Ligtas namang nakalapag ang eroplano ngunit ilang katao ang na-ospital. Wala namang serious damage o injuries.
Simula nitong Linggo, ang 31A at 26A emergency seats sa kanilang 14 A321-200 jets ay hindi muna nila i-aalok ayon sa Asiana.
Dagdag pa nila, “As a safety precaution, this measure will apply even if the flights are full.”
Ang lalaking nagbukas ng pintuan ng eroplano ay ikinulong na ng mga awtoridad sa Daegu, dahil sa umano’y paglabag sa aviation security laws. Mahaharap ito sa 10 taong pagkakabilanggo sakaling mahatulan.
Ang lalaki na nasa kaniya nang 30s ay nagsabi sa Daegu police, na nais niyang lumabas ng eroplano dahil pakiramdam niya ay “nasu-suffocate” siya sa loob ng cabin.
Dumaranas din ito ng stress dahil sa kawalan ng trabaho, ayon sa mga awtoridad.