Ilang kalsada sa CAR at Region 2, sarado pa rin sa mga motorista matapos daanan ng bagyong Florita
Ilang araw matapos salantahin ng bagyong Florita, ilang kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley ang sarado pa rin sa mga motorista.
Ayon sa DPWH, hindi pa rin passable ang Kennon Road na isinara for safety reasons.
Kaya para sa mga papunta ng Baguio City, pinapayuhang dumaan sa Marcos Highway, Baguio – Bauang Road, o Asin – Nangalisan – San Pascual Road bilang alternatibong ruta.
Samantala, patuloy naman ang road clearing operation sa Claveria-Calanasan-Kabugao Road, sa Calanasan, Apayao na isinara dahil sa naputol na kalsada at gumuhong lupa.
Dahil naman sa mataas pa ring tubig, namamalaging sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Cabagan-Sta. Maria Road, Cabagan Overflow Bridge sa Isabela.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na dumaan muna sa Daang Maharlika-Cagayan Valley Road bilang alternatibong ruta.
Madelyn Villar-Moratillo