Ilang kalsada sa Maynila, Pasay at iba pang lugar sa bansa na pagsasagawaan ng bar exams, isasara
Magpapatupad ng road closures sa ilang kalsada na malapit sa mga lugar na pagdarausan ng 2022 Bar Examinations sa darating na November 9, 13, 16, at 20.
Sa Metro Manila, partikular na isasara ang ilang kalsada malapit sa De La Salle University, San Beda University, at Manila Adventist College.
Sa abiso na inilabas ng Korte Suprema, sinabi na isasara sa mga motorista mula 2:00am hanggang 7:00pm ang Estrada Street (Taft south bound) hanggang Quirino Street (Taft) sa Maynila.
Mula 2:00am hanggang 8:00am at mula 3:30pm hanggang 7:00pm naman sarado sa trapiko ang Estrada Street (Taft north bound bound) hanggang Quirino Street (Taft).
Gayundin ang Fidel corner Noli Street sa likod ng DLSU ay sarado mula 2:00am hanggang 7:00pm.
Sa San Beda sa Maynila, hindi madadaanan ang Concepcion Aguila Street at Mendiola Street (mula C.M Recto Intersection hanggang Concepcion Aguila Street).
Sa Manila Adventist College naman sa Pasay, sarado ang kanto ng San Juan Street at Donada Street hanggang Leveriza Street mula 3:00am hanggang 7:00pm.
Walang road closures sa UP sa BGC at sa Ateneo de Manila sa Katipunan, Quezon City na pagsasagawaan din ng bar exams.
Gayunman asahan ang pagbigat ng trapiko sa mga nasabing lugar.
May road closures din sa mga kalsada malapit sa iba pang unibersidad at kolehiyo na magsisilbing local testing centers sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Moira Encina