Ilang kalsada sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Quinta, hindi pa madaanan
Mayroon pang 17 national road sections sa iba’t ibang lugar sa bansa ang hindi pa madaanan.
Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, ito ay dahil sa epekto ng Bagyong Quinta.
Bagamat ang 16 road sections ay na-clear na aniya, patuloy pa rin naman ang ginagawang clearing operations at restoration works para mabuksan na sa lalong madaling panahon sa mga motorista at publiko.
May mga naka-deploy rin aniyang team ng DPWH sa tatlong impassable roads sa Cordillera Administrative Region; gayundin sa anim na kalsada sa Region 2 o Cagayan.
Mayroon ding tumatrabaho nang teams sa 3 impassable roads sa Region 3 o Central Luzon; 3 rin sa Region 4-A o CALABARZON at sa tig-isang road section sa Region 4-B, Region 5, at Region 10 o MIMAROPA, Bicol Region at Northern Mindanao.
Samantala, nananatili namang sarado ang Kennon Road.
Ang iba pang kalsada na hindi madaanan ay dahil sa patuloy na pagbaha, mudflow o landslide.
Madz Moratillo