Ilang konsyumer ng Meralco ikinagalit ang mahigit P2 dagdag-singil sa kuryente ngayong Hulyo
Dismayado ang ilang konsyumer ng Meralco na nakapanayam ng NET25 news team dahil sa malaking taas-singil sa kuryente ngayong buwan.
Pagdating ng July, ang magiging rate para sa tipikal na tahanang kumokunsumo ng 200kWh ay P11.60 per kWh, p balik sa May 2024 level.
Photo courtesy of Meralco FB
Ayon sa Meralco, bunsod ito ng mas mataas na generation charges mula sa WESM, IPPs at PSAs.
Dumagdag pa ang pagsingil ng bahagi ng deferred generation charges mula June na sisingilin hanggang sa September ngayong taon.
Photo courtesy of Meralco FB
Gayunman, ang distribution charge ng Meralco ay hindi nagbago.
At dahil may kaunting delay sa pagdating ng bill ngayong buwan, ay ini-adjust na ng Meralco ang due date para magkaroon ng sapat na panahon ang consumers sa pagbabayad.
Photo courtesy of Meralco FB
Isa sa mga nanggigil at nagalit sa panibagong pasanin ay si Aling Crisanta Lago, na may-ari ng isang bakery at sari- sari store sa Maynila.
Nababahala si Aling Crisanta sa magiging epekto ng dagdag-singil sa kaniyang tindahan, lalo na’t bago at kabubukas pa lamang nito.
Ayon kay Aling Crisanta, “Kabubukas lang namin noong June 8, e ito pala sasalubungin namin nakakagalit na nakakapang hinayang na mag-umpisa ng negosyo. Gusto ng mga tao na magpilit maghanap-buhay parang ang nangyayari naman e masyado na kaming sinasakal.”
Sinabi ni Aling Crisanta, na mapupunta lang din ang maliit na kinikita niya sa pambayad sa mataas na bill ng kuryente.Sana man lang aniya ay maawa sa kanila ang Meralco at unti-untiin ang pagtaas ng singil.
Reklamo niya, “Kami po ay hindi sa totoong buhay ay hindi agad makapagtaas. Yung diyes namin na itataas hirap na hirap na kami. E, kuryente isang kilowatt dalawang piso.”
Dagdag pa ni Aling Crisanta maging ng iba pang establisimyento, kahit ano ang pagtitipid na ginagawa nila ay hindi naiiwasan na lumaki ang kanilang bill.
Sabi ng isang empleyado na si Jomar, “Kapag wala kami customer dito, ina-unplug mga extension, mga blower na nakasaksak, minsan ay nagbabawas ng ilaw.”
Hindi rin ikinatuwa ng mga regular na konsyumer ang nakaambang mataas na singil sa kuryente, dahil ang pinakakawawa anila ay ang mga mahihirap at mga walang pinagkakakitaan.
Ayon sa konsyumer na si Monching, “Nakaka-awa yung mga Pilipino. Yung mahihirap, tayo lagi naaapektuhan. Yung mga mahihirap na Pilipino, halos di na nga kami gumagamit ng electric fan. Natatakot kami kapag dumating reading tataas ang konsumo.”
Sinabi naman ni Aimee, “Sa July madadagdagan ang aming bayarin. Padagdag pa sa lahat ng bayarin. Mahal na, sana di na tinaasan no.”
Moira Encina-Cruz