Ilang labor groups, dismayado sa mahinang tugon ng gobyerno sa sitwasyon ng mga manggagawa
Dismayado ang mayorya ng mga manggagawa sa bansa sa kasalukuyang sitwasyon na marami ang walang trabaho pero sa halip na tulungan, ang katwiran ng gobyerno ay kakulangan ng pondo.
Giit ni Trade Union Congress of the Philippines spokesperson Allan Tanjusay, ramdam ng buong mundo ang hagupit ng COVID-19 pandemic pero hindi ito dapat gawing palusot ng Duterte administration para pagtakpan ang mga kapalpakan nito.
Ayon kay Tanjusay, sa dami ng isyu na dapat tugunan nagtuturuan pa ang mga ahensya ng gobyerno.
Si Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana naman ay nagpahayag ng pagkabahala sa pinakabagong surge ng COVID kung saan nakapagtala ng 22,000 virus infection sa isang araw.
Kung tutuusin napaka ironic aniya na ang Pilipinas ay kilala bilang biggest supplier ng mga nurse sa buong mundo at pangalawa naman sa supplier ng mga doktor ay dumaranas ngayon ng kakulangan sa health workers.
Binatikos ni Fajutagana na nagagawa ni Pangulong Duterte na iutos na wala nang bidding sa pagbili ng bilyong medical supplies na pumapabor sa malalapit na kaibigan nito pero pagdating sa benepisyo para sa mga heath worker ay marami itong rason.
Ang ilang grupo naman gaya ng Labor Agenda ay iginiit na hindi nila papayagan na maipagpatuloy ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kapalpakan ng ama nito.
Madelyn Moratillo