Ilang lending companies na sangkot sa harassment ng lenders kinasuhan ng SEC sa DOJ
Ipinagharap ng mga reklamong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang tatlong lending companies, isang financing corporation, at dalawang business process outsourcing (BPO) companies dahil sa umano’y harassment sa mga nangutang.
Kasong paglabag sa RA 9474 o Lending Company Regulation Act at RA 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act ang isinampa ng SEC laban sa FESL Lending Investor Corp., FESL Business Process Outsourcing Services, Realm Shifters Business Process Outsourcing Services, U-PESO.PH Lending Corporation, Philippine Microdot Financing Corp., at ARMORAK Lending Inc.
Kabilang din sa mga respondent ang 28 opisyal ng mga nasabing korporasyon kung saan ang lima ay Chinese nationals.
Ang reklamo ay inihain sa DOJ ni SEC Enforcement and Investor Protection Department Director Atty Oliver Leonardo.
Ayon kay Leonardo, ipinagbabawal sa ilalim ng RA 11765 ang pamamahiya, pag-share ng contact details at pambabastos ng lending firms sa mga nangungutang.
May parusang multa aniya na P2 milyon at pagkakakulong na hanggang limang taon ang maaaring ipataw sa mga lalabag sa nasabing batas.
Sinabi ng opisyal na ang inihain nilang reklamo ay bunsod na rin ng mga natatangap ng SEC na complaints mula sa mga biktima at sa raid na isinagawa sa Pasig City noong Mayo.
Sa imbestigasyon pa ng SEC, gumagamit ang naturang lending companies ng hindi rehistradong online lending platforms.
Ang ilan din sa mga sangkot na kumpanya ay pag-aari o pinapatakbo ng mga dayuhan gaya ng Chinese.
Hinimok naman ni Leonardo ang mga biktima ng mga namamahiyang lending firm na magsumbong sa kanila.
Moira Encina