Ilang Pilipino na inilikas mula Ukraine, ligtas nang nakarating sa Poland
Ilang bilang ng mg Pilipino na inilikas mula Ukraine ang ligtas nang nakarating sa Poland.
Ito ang inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang mga Pinoy ay nagbiyahe mula sa Lviv, isang siyudad sa Ukraine na malapit sa Polish border, at mula doon ay nakatawid sila sa Poland.
Mainit silang sinalubong ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Nauna nang lumipad patungong Ukrainian border si Locsin alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na siguruhin ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa gitna ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sinabi naman ng DFA na nasa higit 40 Pinoy ang naililikas na mula Kyiv patungong Lviv at naghihintay na lamang ng repatriation.
Samantala, sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na ang ilan nating kababayan ay piniling manatili sa Ukraine dahil sa magandang kalagayan sa trabaho at ang iba naman ay umaasang matatapos din agad ang kaguluhan.
May mga ayaw ding bumalik ng Pilipinas dahil nakapag-asawa na doon at mayroon nang mga anak.
Nilinaw ni Arriola na ang mga Pinoy na uuwi ng bansa ay sasailalim sa Covid-19 test bago lumapag sa bansa.
Kasabay nito, nagpasalamat si Arriola sa gobyerno ng Poland dahil sa pagpayag nilang makapasok doon ang mga Pinoy kahit walang visa.
Maliban aniya sa 13 mga Pinoy na nailikas na sa Poland, mayroon pang 3 Pinoy na tumawid ng Ukraine patungong Moldova na binuksan rin ang kanilang border para sa mga non-visa at passport holder.
Nananatil namang nasa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Ukraine at hindi pa mandatory ang repatriation.
Sinabi pa ni Arriola na sa ngayon ay wala pa namang pangangailangan na ilikas naman ang mga Pilipino sa Russia na karamihan ay nagtatrabaho bilang mga household worker.
Nannatili aniyang bukas ang kanilang komunikasyon sa lahat ng Embahada sa Europa at maayos pa naman ang kalagayan ng ating mga kababayan doon.