Ilang Pinoy chefs, pinulong ng DOT ukol sa pagpapaunlad sa food tourism ng bansa
Paiigtingin ng Department of Tourism (DOT) ang food o culinary tourism sa bansa.
Dahil dito, inumpisahan na ng pamunuan ng DOT ang pakikipag-usap sa ilang Pinoy chefs at food advocates.
Bahagi ito ng listening tours ni Tourism Secretary Christina Frasco sa tourism stakeholders sa bansa.
Ayon kay Frasco, ang food tourism ang isa sa mga tinukoy ng DOT na anchor priority programs nito.
Aniya, mahalaga ang mga pagkain at sangkap na Pinoy sa pagkakakilanlan natin bilang bansa.
Layon nito aniya na maging multi-dimensional ang turismo para hindi lang tourism sites ang maipakilala kundi maging ang local delicacies at produkto sa buong bansa.
Sa pagpupulong ay inilahad ng mga chef ang kanilang insights at rekomendasyon para sa pag-harness sa food tourism.
Batid ng mga chef ang malaking potensyal ng mga Pinoy food para makapanghikayat ng mga turista.
Gayunman, may ilang mga hamon anila sa industriya gaya ng product promotions, at logistical concerns na humahadlang sa paghahatid ng de kalidad na sangkap sa mga lokal na negosyo na naghahain ng Pinoy food.
Tiniyak naman ng kalihim na magdi-develop ang DOT ng tourism circuits na tutuon sa promosyon ng local restaurants at cuisines sa tourism destinations.
Moira Encina