Ilang pirma para sa Chacha binawi sa Comelec office sa Antique
Ilang signature sheets na para sa People’s Initiative at una nang isinumite sa Commission on Elections ang binawi na.
Ang mga nasabing pirma, binawi sa taggapan ng Comelec sa Hamtic, Antique isang araw matapos ianunsyo ng poll body ang suspensyon sa pagtanggap ng mga lagda at iba pang proseso na may kaugnayan sa People’s Initiative.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, wala namang problema rito pero dapat ibalik rin ang ibinigay nilang certification sa mga ito.
Kung hindi naman bawiin sa Comelec tiniyak ng opisyal na iingatan naman nila ang mga dokumentong ito.
Aminado ang Comelec Chief na walang expiration ang mga pirma na ito at pwede pang gamitin ulit pero kung ibang probisyon na ang kanilang nais maamyendahan kailangan nilang mangalap ng bagong pirma.
Bago sinuspinde ng Comelec ang pagtanggap ng mga pirma nasa 209 na umano sa 254 legislative districts sa bansa ang nakapagsumite na ng mga pirma sa poll body.
Madelyn Villar – Moratillo