Ilang pribadong ospital, pinangangambahang magsara dahil sa hindi nababayarang utang ng Philhealth
Namimiligro na umanong magsara ang ilang pribadong ospital sa bansa dahil sa pagkakaantala ng reimbursement mula sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Sinabi ni Senador Imee Marcos na batay sa mga reklamong nakarating sa kanyang tanggapan, aabot na sa 26 billion pesos ang hindi pa nababayarang utang ng Philhealth sa mga pribadong ospital.
Bukod pa rito ang daan-daang milyong pisong reimbursement rin sa mga government hospital.
May announcement aniya ang Philhealth na naglabas na ito ng 6. 3 billion sa mga ospital sa ilalim ng Debit Credit Payment Method (DCPM) na sinimulan noong Abril pero ayon sa Senador, kulang ito para makarekober ang mga ospital.
Lumilitaw kasi aniya na hindi kasama sa DCPM ang reimbursement para sa gastusin ng mga ospital sa mga Covid Treatment mula pa noong nakaraang taon.
Tinukoy ng Senador ang isang pribadong ospital na nasa 430 million pesos lang ang naibalik o nabayaran ng PhilHealth mula sa utang nitong nasa kabuuang1.2 billion.
Sa kaso ng Philippine General Hospital nagbayad ang Philhealth noong May 31 ng 2.56 million, napakaliit kumpara sa dapat mare-reimburse na 615.7 million.
Marami aniyang ospital sa Northern Luzon ang hindi makapag-upgrade ng kanilang bed capacity kasabay ng pagtaas ng kaso ng nagkakaroon ng Covid dahil hanggang ngayon wala pa ring reimbursement mula sa Philhealth.
Senador Imee Marcos:
“Nagrereklamo ang mga ospital dahil ipinakikita sa RSM na nagbayad na ang PhilHealth, gayong hindi pa ito naidedeposito sa kanilang mga bank account. Maraming ospital sa Northern Luzon ang hindi magawang damihan o taasan ang kanilang ‘bed capacity’ dahil hindi pa sila nababayaran ng PhilHealth”.
Meanne Corvera