Ilang Senador , pinuri ang pagtatatag ni PBBM ng Water management office
Pinuri ng ilang Senador ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Executive Order na nagtatatag sa Water Management Resource Office para tugunan ang banta ng water crisis sa Pilipinas.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na sa ilalim ng kautusan ay higit na mapagtutuunan ng pansin ang mga problema ng bansa sa suplay ng tubig.
Bilang tugon sa pangmatagalang solusyon sa problema, isinusulong ni Villanueva na magkaroon ng hiwalay na departamento na mangangasiwa sa water needs ng Pilipinas.
Sa inihaing Senate Bill 2013 o pagbuo ng National Water Act, sinabi ni Villanueva na itatatag ang Department of Water Resources at ang Water Regulatory Commission.
Dagdag ng mambabatas na target ng Senado na matalakay ang naturang panukalang batas sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo upang maisabatas ito sa lalong madaling panahon.
Inihain na rin ng Senador ang Senate Resolution 561 para alamin ang mga hakbang ng pamahalaan para matugunan ang posibleng water shortage, lalo na kapag Nanalasa na ang El niño.
Si Senador Nancy Binay nais namang repasuhin ang naging epekto nang pagsasabatas sa Republic Act 6716 noong 1989, o paglalagay ng rainwater collection system.
Tanong ng Senadora kung nagkaroon ba ng rainwater collection system ang may mahigit 42,000 barangay sa buong bansa, sino ang in-charge sa maintenance, ilan dito ang sira na, ilan ang kailangan i-rehabilitate o ilan na lang ang gumagana.
Makakatulong ayon kay Binay ang mga Water Collection para bawasan ang epekto ng El Niño lalo na sa mga pananim.
Meanne Corvera