Ilang supporters ng Leni-Kiko tandem, nais na tanggalin sa senatorial slate si Gordon
Nag-trending sa social media ang #DropGordon o panawagan na alisin si Senador Richard Gordon sa senatorial slate ng Leni-Kiko team.
Ito ay bunsod ng umano’y ilang insidente ng kawalang-respeto ni Gordon sa campaign rallies ng Leni-Kiko.
Isa na rito ang nangyari sa People’s Rally ng Robredo-Pangilinan tandem sa Nueva Ecija.
Hindi nagustuhan ng mga supporters nina Robredo nang ipakilala ni Gordon ang senatorial slate ng grupo nila na mayroong mga abogado at incumbent senators.
Pero nang ipakilala na ng senador si dating Rep.Teddy Baguilat ay ginaya nito ang katutubong sayaw para ilarawan si Baguilat at tumawa sa huli.
Sa ilang tweet ng netizens, sinabi na may pangungutya ang ginawa ni Gordon.
Ayon naman kay Baguilat, hindi siya nabastos sa paggaya ni Gordon kanya.
Ngunit kailangan aniyang turuang magsayaw ng katutubo dance na Dinuy-a si Gordon.
Sa isang campaign sortie naman sa Surigao City, tinukoy ng netizen ang pag-agaw raw ng mikropono ni Gordon sa proxy ni Sen. Leila de Lima sa kampanya na si Zena Bernardo na una dapat na magsasalita.
Pinuna rin ang hindi pag-endorso ni Gordon sa kandidatura ni Robredo kahit dumadalo ito sa campaign rallies ng Robredo-Pangilinan tandem.
Ayon kay Bernardo, wala pang campaign rally ng Leni-Kiko kung saan dumalo si Gordon ang ikinampanya o sinabi man lamang sa talumpati nito ang pagkandidato ni Robredo.
Tahasang tinawag ni Bernardo na free loader si Gordon na may libreng appearance lang sa rally ng Robredo-Pangilinan team.
Wala pang pahayag si Gordon sa isyu.
Madelyn Moratillo