Illegal drug campaign ng PNP, hindi apektado ng pagsibak kay Sueno
Tiniyak ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na hindi makakaapekto sa kampanya kontra droga ang pagkakasibak sa pwesto ni Interior and Local Government Secretary Ismael Mike Sueno.
Sinabi ni dela Rosa na magpapatuloy ang kanilang kampanya kontra illegal na droga kahit may bago ng kalihim ang DILG.
Pahayag ng PNP chief, ipinauubaya na niya sa Malacañang ang pagkomento ukol sa isyu.
Aniya, ang pagkakatanggal kay Sueno ay pagpapakita na seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa korupsyon ng pamahalaan.
Nilinaw din ni dela Rosa na hindi ibig sabihin na dahil sa korupsyon kung kaya’t sinibak si Sueno.
Una nang sinabi ng ilang opisyal ng Palasyo na ang pagkakasibak kay Sueno sa pwesto ay dahil nawalan na ng kumpiyansa at tiwala ang Pangulo sa kalihim na inanunsiyo mismo ng chief executive sa isinagawang cabinet meeting.