Imbestigasyon sa pagkamatay ni dating Ozamiz city councilor Ardot Parojinog sa loob ng detention cell, ipinag-utos ni PNP Chief Cascolan
Natagpuang patay sa loob ng detention facility ng Ozamiz city si dating City Councilor at Board member Ricardo “Ardot” Parojinog.
Ayon kay Philippine National POlice (PNP) Spokesperson Lt. Gen. Bernard Banac, si Parojinog na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga ay natagpuang patay sa loob ng kaniyang selda kaninang alas-6:00 ng umaga.
Ito rin sana ang araw na nakatakdang dumalo si Parojinog sa pagdinig sa Korte.
Dahil dito, ipina-utos na ni PNP Chief Lt. Gen.Camilo Cascolan ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Parojinog.
Ipinag-utos rin ni Casolan na isailalim ang Ozamiz city police chief at mga night duty personnel sa ilalim ng mahigpit na kustodiya.
Maliban dito, nakatakda ring isailalim sa imbestigasyon ang security team ng PNP Custodial center sa ilalim ni Police Lt. Col, Jiger Noceda.
Si Parojinog ay kapatid ni Ozamiz ciy Mayor Reynaldo Parojinog Sr., na nasa Narco-list at napatay sa isang police raid sa ari-arian kanilang pamilya noong 2017.
Natagpuan sa tahanan ng mga Parojinog ang mga iligal na droga at mga matataas na kalibre ng baril.
Matatandaang si Ardot ay pinatungan ng 5 milyong pisong reward sa ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikadarakip nito dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Samantala sa report ni Agila correspondent Ely Dumaboc, sinabi na Police Major Peter Rhyan Revillas, OIC ng Ozamiz City Police na dadalhin na sana sa KOrte si Parohinog kanina subalit natagpuang patay sa kanyang selda.
Kahapon ng umaga dumating sa Ozamis city si Parojinog para harapin ang kasong may kaugnayan sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at ang RA 9516 o Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition Or Disposition Of Firearms, Ammunition Or Explosives) sa local court ng Ozamiz City kasama ang kaniyang police scort mula PNP Custodial Center.
Ipinasusuri pa ni Police Provincial Director Police Lt. Col. Danildo Tumanda ang bangkay ni Parojinog kung ano ang sanhi na dahilan sa pagkamatay nito.