Impeachment case na planong isampa laban kay Robredo posibleng umusad sa Kamara kumpara sa kaso laban sa Pangulo
Mas malaki ang tyansa na umusad ang napipintong kaso ng Impeachment na planong isampa laban kay Vice President Leni Robredo kumpara sa reklamo na isinampa ng grupong Magdalo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang nagbanta si House Speaker Pantaleon Alvarez na kakasuhan ng impeachment si Robredo dahil sa umano’y pagtataksil nang magpadala ng video messages sa United Nations na kumukundena sa mga kaso ng extra judicial killings.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, bilang isang miyembro ng kamara, may karapatan si Alvarez na magsampa ng reklamo.
Maari rin aniya itong lumusot kung may sapat na basehan dahil sa dami ng kongresista na kabilang sa Super Majority.
Sa proseso aniya, one third lang o 94 ng mahigit 290 na miyembro ng kamara ang kailangang boto para maiakyat ang reklamo sa Senado.
Paglilinaw ni Pimentel, hindi siya sang-ayon sa anumang reklamo ng impeachment dahil mauubos lang ang panahon ng mga mambabatas lalo na kapag naiakyat ito sa Senado.
Ulat ni: Mean Corvera