Impeachment complaint ni Alejano laban kay Pang. Duterte minaliit lang ni Speaker Alvarez
Minaliit lang ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang inihaing reklamo ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang reklamong inihain ni Alejano ay culpable violation of the constitution, bribery , betrayal of public trust, graft and corruption at iba pang high crimes.
Kabilang sa ginamit nitong basehan sa impeachment complaint ang nangyayaring extra judicial killings sa laban kontra droga ng gobyerno.
Ginamit ding basehan ni Alejano ang napaulat na mga kaso ng pagpatay sa Davao ng may 1,400 indibwal noong alkalde pa si Duterte sa pamamagitan ng sinasabing Davao Death Squad.
Pinagbasehan naman sa graft and corruption ang sinasabing pagkakaroon ni Pang. Duterte ng ₱2.2B sa kanyang account at maging mga ari-ariang hindi idineklara sa kanyang SALN, at pagkuha ng mahigit sa 11, 000 ghost employees noong Mayor pa ito ng Davao City.
Giit ng kongresista, hindi maaaring hindi managot ang Pangulo sa kanyang mga naging krimen kahit na ang ibang paglabag ay ginawa nito noong alkalde pa ito.
Pinag-aaralan naman ni Alejano na isama sa kanyang reklamong betrayal of public trust ang secret arrangement ni Duterte sa China kaugnay sa West Philippine Sea at ang isyu ng Benham Rise.
Bagaman aminadong talo kung numero ang pag-uusapan, umaasa naman si Alejano na maraming kapwa mambabatas ang sasama sa kanyang adbokasiya.
Katunayan marami na aniyang nagpahayag ng kahandaang pumirma ng suporta sa impeachment pero tumanggi muna itong magbigay ng mga pangalan.
Nilinaw rin nito na hindi bahagi ng destabilisasyon laban sa gobyerno ang kanilang hakbang.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo