Impeachment complaints laban kay SC Chief Justice Sereno, dadaan sa masusing pagbusisi ng Kamara

Dadaan sa butas ng karayom ang isinampang impeachment complaints laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ang paniniyak  ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, matapos na maihain ang isa sa dalawang impeachment complaints laban sa punong mahistrado.

Una nang nagsumite ang  Volunteers Against Crime and Corruption at Vanguard of the Philippine Constitution Inc. sa opisina ni Secretary General Cesar Pareja ng kanilang impeachment complaints laban kay Sereno kahit pa wala pang endorso mula sa mga Kongresista.

Hindi naman natuloy ang paghahain ni Atty. Larry Gadon ng dagdag na reklamo.

Ayon kay Fariñas, nabasa na niya ang inihandang impeachment complaints ni Gadon laban kay Sereno.

Sinabihan niya ang abogado na kapag may kongresista nang nag-endorso sa reklamo nito ay tsaka pa lamang ito maire-refer sa Rules committee at Justice ng Kamara.

Kapag nasa komite na ito, kanilang iisa-isahin ang pagbusisi sa laman ng reklamo kagaya ng kanilang ginawa sa impeachment complaints ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin ng lider ng Kamara na mahalaga ring mula sa personal knowledge, bukod pa sa mga orihinal na dokumento, ang laman ng reklamo.

Sa oras naman na hindi ipagkaloob ng SC ang mga dokumentong kakailanganin ni Gadon, maari itong i-subpoena ng Committee on Justice kung makakarating ito sa impeachment proceedings.

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *