Impeachment trial ng Senado, hiniling ni VP Sara Duterte na ipatigil at ipawalang-bisa ang ika-apat na impeachment complaint laban sa kaniya

0
Impeachment trial ng Senado, hiniling ni VP Sara Duterte na ipatigil at ipawalang-bisa ang ika-apat na impeachment complaint laban sa kaniya

Dumulog na rin sa Korte Suprema si Vice President Sara Duterte, laban sa impeachment complaint laban sa kaniya.

Sa mahigit 30-pahinang petisyon na inihain ng kaniyang mga abogado sa Supreme Court, kinuwestiyon ng pangalawang- pangulo ang validity at constitutionality ng ika-apat na impeachment case laban sa kaniya sa Kamara.

Partikular na hiniling ni Duterte sa SC na mag-isyu ito ng temporary restraining order (TRO), para pigilan ang Senado sa pagsasagawa ng impeachment trial at sa anumang pag-akto sa ika-apat na impeachment case.

Nais din ng bise presidente na ipawalang-bisa at isantabi ng Korte Suprema ang ika-apat na impeachment complaint, at ideklara ito na lumabag sa one-year bar rule sa ilalim ng Saligang Batas, o sa pagbabawal sa pagsasagawa ng impeachment proceedings sa parehong opisyal sa loob ng isang taon.

Ipinunto pa ng kampo ni Duterte, na nakagawa ng grave abuse of discretion ang Kamara nang sadyain nito na paikutan ang one-year bar nang hintayin ang fourth impeachment kahit may naunang tatlong impeachment complaints.

Hindi anila sikreto na kaya itinengga ng Kamara ang nasabing tatlong impeachment complaints ay para hintayin na makakuha ng sapat na bilang ng mga lagda, at mapagbuti pa ang ika-apat na reklamo ng impeachment at ma-railroad ang impeachment process.

Ayon sa Fortun Narvasa and Salazar Law Office na may hawak sa kaso ni VP Sara, tiwala ang pangalawang- pangulo na gagawin ng SC ang tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas na protektahan ang demokrasya at masunod ang rule of law.

Aniya, “The petition seeks judicial intervention from the High Court to uphold due process and raises serious legal and constitutional concerns. The Vice President, for her part, trusts that the Supreme Court will exercise its constitutional duty to safeguard democratic principles and uphold the rule of law.”

Batay naman sa signatories sa petisyon, tumatayong abogado rin ni VP Sara ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma naman ni SC Spokesperson Atty. Camille Ting ang paghahain ng petisyon ng bise presidente, pero hindi ito nakasama sa mga natalakay sa en banc session noong Martes, February 18 dahil sa parehong araw ito naisampa.

Nilinaw naman ni Ting ang gampanin ng SC sa oras na makatanggap ito ng mga petisyon kaugnay sa impeachment.

Ayon kay Ting, “Well, in general the Supreme Court is tasked to determine if the let’s say the impeachment proceedings or the impeachment rules are in accordance with the constitution, and if there’s any grave abuse of discretion on the part of the senate so that’s whats the Supreme Court does.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *