Implementasyon ng inamyendahang departure guidelines para sa mga Pinoy na magbibiyahe abroad, sinuspinde
Hindi na muna ipatutupad ang nirebisang panuntunan sa departure process para sa mga Pilipinong magbibiyahe sa ibang bansa.
Sisimulan sanang ipatupad ang inamyendahang departure formalities sa Setyembre 3.
Ang anunsiyo ay ginawa ng Department of Justice (DOJ) at Inter- Agency Council Against Trafficking kasunod ng mga pagkabahala at nais ng mga senador na linawin sa publiko ang mga panuntunan.
Iginiit naman ng DOJ na ang layunin ng revised departure formalities ay mas mapabilis ang departure procedure at maging mas efficient at secured ang pagbiyahe abroad ng mga Pinoy.
Nilinaw naman ng DOJ na ang pansamantalang suspensyon ng revised departure guideline ay hindi makakaapekto sa mga umiiral na mga batas at regulasyon na sumasaklaw sa travel at immigration procedures.
Sa revised guidelines, inilatag kung anu-anong dokumento ang kailangan na dalhin ng mga pasahero na magpupunta sa ibang bansa.
Bukod sa basic travel documents, inisa-isa ang additional supporting documents na maaaring hingin sa mga turista na self-funded at sponsored ang biyahe, minors, OFWs at iba pang kategorya ng mga pasahero.
Moira Encina