Imported na baboy na inaangkat ng DA, inirekomendang isubasta
Hinimok ni Senador Imee Marcos ang mga Economic Managers ng bansa na isubasta ang mga imported na baboy na planong angkatin ng Department of Agriculture.
Ayon kay Marcos, ito’y para makatiyak na lantad ang alokasyon sa mga negosyante oras na madesisyunan na ang pinal na dami ng Minimum Access volume (MAV) ng aangkating baboy.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na makatutulong ang pag-auction sa imported na baboy para matanggal ang suspetsa na ang nakatakdang pagtaas ng MAV ay pabor sa mga negosyanteng gustong magsamantala sa kapos na suplay ng baboy sa mga palengke habang patuloy namang nagpapahirap sa local hog raisers ang African Swine fever.
Wala pang nabubuong win-win solution sa back chanelling talks ng Senado at Malacañang pero ayon sa Senador ‘malaking pagkakaiba’ sa kalkulasyon ng mga mambabatas at mga ahensya ng Gobyerno.
Giit ng Senador, dapat hanggang 150,000 metric tons lang ang dapat na idagdag sa MAV sa ika-apat hanggang ika-12 buwan, pagkatapos ay hanggang 204,000 MT lang na maximum ang dapat maabot pagkatapos ng isang taon.
Meanne Corvera