INC nagpapasalamat sa pagtitiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Bro. Eduardo V. Manalo

Nagpapasalamat ang pamunuan ng Iglesia Ni Cristo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pagtitiwala sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC, Kapatid na Eduardo V. Manalo

Si Kapatid na Eduardo V. Manalo ay itinalaga ni Pangulong Duterte bilang Special Envoy of the President to Overseas Filipinos Concerns.

Nilagdaan ng Malakanyang ang appointment paper nitong Pebrero 13, 2018.

Sa nasabing appointment paper mula sa Malakanyang, magsisilbi bilang Special Envoy of the President to Overseas Filipino Concerns ang kapatid na Eduardo V. Manalo, mula Enero 30, 2018 hanggang Enero 29, 2019.

Sa statement na inilabas ng Iglesia Ni Cristo Public Information Office, sinabi ni INC Spokesperson Bro. Edwil Zabala na ang buong kapatiran ng INC ay kaisa ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC, ang kapatid na Eduardo V. Manalo na tutulong sa mga kababayan natin nasaan man sa mundo para sa kanilang kapakanan.

Kagaya aniya ng inilunsad noon pa na programa ni Kapatid na Eduardo V. Manalo na “Kabayan ko, Kapatid ko” sa nasabing programa, ay tumutulong ang Iglesia Ni Cristo sa abot ng makakaya sa mga kababayan natin mula sa iba’t-ibang bansa.

Bukod pa rito, iba’t-ibang malalaking aktibidad na rin sa ibang bansa ang nailulunsad ng Iglesia Ni Cristo sa pangunguna ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.

Kabilang na rito ang Aid for Humanity o Lingap sa Mamamayan sa pakikipagtulungan ng Felix Y. Manalo Foundation.

Sa nasabing proyekto, natutulungan maging ang mga hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo na marami sa kanila ay mga pilipino na nagta-trabaho sa ibang bansa.

Sunod-sunod din ang isinagawang Lingap sa Mamamayan ng Iglesia Ni Cristo sa iba’t ibang bansa mula sa Estados Unidos, Canada, Africa, at iba pang bansa sa South America sa mga nakalipas na taon.

Ang Iglesia Ni Cristo ay nakapagtatag na rin ng eco-farming projects sa bahagi ng Africa para sa mga residenteng kabilang sa mahihirap na lipunan bilang bahagi ng proyekto ng INC na labanan ang kahirapan.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *