Inciting to Sedition sinisilip na ng Malakanyang laban kay Senadora de Lima
Mayroong nakikitang elemento para makasuhan ng inciting to sedition si Senadora Leila de Lima dahil sa kanyang panawagan na mag-alsa ang publiko laban kay Pangulong Duterte.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo pasok sa elemento ng inciting to sedition ang mga pahayag ni de Lima dahil direkta na itong nananawagan ng paglaban ng publiko sa nakaupong Pangulo ng bansa
Inihayag ni Panelo na maging ang panlalait ni de Lima sa Pangulo na tinawag nitong sociopath, diktador at serial killer ang Chief Executive ay isa ring criminal offense.
Ayon kay Panelo ang isyu ng Davao Death Squad at Extra Judicial Killings laban sa Pangulo ay ibinato na noong panahon pa ng kampanya subalit nagsalita na ang taong bayan kaya nanalo si Pangulong Duterte.
Pinayuhan pa ni Panelo si de Lima na magpatingin sa isang manggagamot para malaman ang kundisyon ng kanyang pag-iisip.
Ulat ni: Vic Somintac