Incoming Tourism chief ipauubaya sa Marcos Admin kung luluwagan o hihigpitan ang health protocols
Hindi kukuwestiyunin ni incoming Tourism Secretary Christina Frasco ang mga polisiya ng kasalukuyang gobyerno at ng paparating na Marcos Administration kaugnay sa tumataas muli na bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Frasco na hindi niya igigiit sa nasyonal na pamahalaan ang sa tingin nito ay dapat na ipatupad na health at safety protocols.
Ipauubaya ng susunod na kalihim ng DOT sa kaalaman ng incoming at outgoing administrations kung luluwagan o hihigpitan ba ang mga panuntunan sa harap ng nagpapatuloy na pagkalat ng sakit at pagpapasigla muli ng turismo.
Gayunman, umaasa si Frasco na babalansehin ng gobyerno sa pagbuo ng polisiya ang pagprotekta sa buhay ng mga tao at ang pagprotekta rin sa ekonomiya o pinagkakakitaan ng mamamayan.
Sa obserbasyon ni Frasco sa mga kalapit na bansa ng Pilipinas gaya ng Singapore na kung saan naging optional ang pagsusuot ng face mask ay sumigla rin muli ang ekonomiya ng mga ito dahil sa pagdami ng mga turista na bumibisita kasunod ng pagluluwag sa mga protocols.
Moira Encina