Incoming Tourism Sec. Christina Frasco rerebyuhin ang mga umiiral na programa at proyekto ng DOT
Bumisita sa unang pagkakataon sa punong tanggapan ng Department of Tourism sa Makati City ang susunod na kalihim nito na si Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco.
Nakipagpulong si Frasco sa mga opisyal at empleyado ng DOT bilang bahagi ng serye ng transition meetings.
Inihayag ng incoming Tourism secretary na rerebyuhin nila ang mga kasalukuyang programa at proyekto ng DOT.
Maglalatag din aniya ang sarili niyang team ng mga bago at karagdagang programa at innovations na layuning muling maibalik ang Pilipinas sa global stage.
Ipiprisinta rin aniya nila kay President-elect Bongbong Marcos Jr ang mga nasabing umiiral na tourism programs ng departamento.
Tiniyak ni Frasco na itutuloy at gagayahin ang best practices sa turismo na napatunayang naging matagumpay.
Bahagi naman aniya ng general vision ng DOT sa ilalim ng Marcos Government ay ang pag-develop sa lokal na turismo na may malaking potensyal at oportunidad para matulungan ang mga maliliit na negosyo at lokal na tourism establishments.
Siniguro rin ni Frasco na magiging collaborative at inclusive ang kanyang pangangasiwa sa turismo sa bansa kung saan bibigyan ng pansin ang lahat ng rehiyon sa bansa.
Binigyang-diin din ni Frasco ang kahalagahan ng kolaborasyon ng national government at local government units upang magtagumpay ang tourism plans at programs ng DOT.
Moira Encina