Indonesia, inakusahan sa isyu ng mga orangutan at academic freedom
Mahigit sa isang dosenang NGO ang naglabas ng liham na nag-aakusa sa Indonesia ng pagpigil sa siyentipikong pananaliksik, matapos pagbawalan ng Jakarta ang isang grupo ng foreign academics na sumalungat sa isang opisyal na pahayag na ang bilang ng orangutan ay dumarami.
Ang Indonesia ay tahanan ng pinakamatatandang tropical rainforest sa mundo, kung saan ang critically endangered apes ay nawawalan na ng mga bahagi ng kanilang tirahan dahil sa pagtotroso, plantasyon ng palm oil at pagmimina.
Ang legal letter of objection, na inihain sa environment ministry ng 18 grupo kabilang ang Greenpeace at Amnesty International, ay nananawagan sa mga awtoridad na alisin ang ipinataw na ban noong Setyembre sa limang Western scientists at payagan ang mga mananaliksik na malayang magawa ang kanilang trabaho.
Maaaring ipasya ng mga NGO na maghain ng isang lawsuit kung hindi pagbibigyan ang kanilang hinihingi.
Ang limang academics na pawang naka-base sa labas ng Indonesia, ay sumulat ng isang op-ed sa isang lokal na pahayagan banggit ang mga pag-aaral na nagpapakitang ang populasyon ng mga orangutan ay nababawasan, taliwas sa inaangkin ng mga opisyal na ang bilang ng mga ito ay lumalago.
Na-ban ang mga ito sa Indonesia, sa araw na nalathala ang editoryal.
Tinawag ng NGOs ang ban na anti-science at sinabing sinasagkaan nito ang academic freedom. Humingi sila ng public apology mula sa gobyerno para sa anila’y pag-abuso sa kapangyarihan, sa pamamagitan ng pagpapatahimik sa mga sumasalungat na opinyon.
Sa isang pahayag ay kanilang sinabi, “It is a manifestation of power control of knowledge production, which has violated the academic freedom principle.”
Sinabi ni Arie Rompas, pinuno ng forest campaign team ng Greenpeace Indonesia, na ang hakbang ng ministry ay “authoritarian,” at biniyang-diin na ang credible data ay mahalaga para sa pagbuo ng maayos na mga patakarang pangkapaligiran.
Aniya, “If the data lacks credibility, policies will not solve issues such as deforestation, forest fires, or the orangutan population.”
Hindi naman tumugon ang environment ministry sa kahilingan na magbigay sila ng pahayag.
Ayon pa kay Rompas, “We are still waiting on the ministry’s response to see what are the next steps.”
Sinira na ng poaching at pagkawala ng tirahan ang populasyon ng orangutan sa Indonesia bago pa man lumitaw ang coronavirus, na naging isa pang banta sa mga ito.
Mas kakaunti na sa 120,000 orangutans ang tinatayang natitira sa mga kagubatan bago pa sumiklab ang hidwaan, ngunit ang eksaktong bilang ay hindi pa batid.
Sa Borneo pa lamang ay nabawasan na ang populasyon ng mga orangutans, mula sa humigit-kumulang 288,000 noong 1973 ay naging halos 100,000 na lamang sila pagdating ng 2017, ayon sa International Union for Conservation of Nature.
Ang liham ng NGOs ay nananawagan sa gobyerno na makipagtulungan sa mga siyentipiko, na maabot ang isang napagkasunduang pagtatantiya sa kasalukuyang bilang ng mga orangutan.
© Agence France-Presse