Indonesia, niyanig ng malakas na 7.1-magnitude na lindol
Isang 7.1-magnitude na lindol ang tumama sa mga isla sa kanluran ng Sumatra sa Indonesia, na nagresulta upang lumikas ang mga residente at magtungo sa mas mataas na lugar bago alisin ang ilang oras na tsunami warning.
Sinabi ng United States Geological Survey, na ang sentro ng lindol na tumama alas-3:00 ng madaling araw (2000 GMT Monday), ay nasa karagatan malapit sa Mentawai islands sa lalim na 15.5 kilometro (higit 9 na milya).
Wala namang napaulat na casualties o malubhang pinsala.
Sinabi ni Patriz Sanene, isang 34-anyos na residente ng Siberut, ang pinakamalaking isla ng Mentawai, “The quake was so strong that we struggled to stand up and walk outside. We were struggling to get out of the house, we had to hold on to the walls. This is the strongest quake this year. I thought probably there will be a tsunami. Thank God there is no tsunami.”
Ang BMKG, geophysics agency ng Indonesia, ay nagpalabas ng isang tsunami warning na tumagal ng humigit-kumulang dalawang oras matapos unang mag-ulat ng mas mataas na 7.3-magnitude na lindol.
Sinabi ni BMKG chief Daryono, na ang lindol ay sinundan ng ilang aftershocks.
Ayon sa mga residente, ginulat sila ng pagyanig at nagtakbuhan sila sa labas.
Sinabi ng 35-anyos na si Sudarmono Siribere, na sinuong nila ng kaniyang pamilya ang ulan upang magtungo sa mas mataas na lugar.
Ayon sa mga opisyal, naramdaman din ang lindol sa coastal city ng Padang sa western Sumatra, na humigit-kumulang 200 kilometro mula sa sentro.
Ang Indonesia ay malimit makaranas ng mga paglindol dahil sa posisyon nito sa “Ring of Fire,” kung saan may matinding seismic activity at pagbabanggaan ng tectonic plates.
Noong 2004, isang 9.1-magnitude na lindol ang yumanig sa Aceh province sa isla ng Sumatra, na nagdulot ng isang tsunami at ikinasawi ng mahigit sa 170,000 katao sa Indonesia.
© Agence France-Presse