Indonesia, tinamaan ng malakas na 7.6-magnitude na lindol
Iniulat ng US Geological Survey o USGS, na isang malakas na 7.6-magnitude na lindol ang tumama sa kailaliman ng karagatan sa Indonesia at East Timor ngayong Martes, kung saan isa katao ang nasaktan.
Ang sentro ng lindol ay 427 kilometro (265 milya) sa timog ng Indonesian island ng Ambon at may lalim na 95 kilometro.
Nag-ulat din ang Meteorology, Climatology and Geophysics Agency (BMKG) ng Indonesia ng ilang aftershocks na may magnitude na 5.5.
Sinabi ng disaster mitigation agency (BNPB) ng Indonesia na hindi bababa sa 15 bahay at dalawang paaralan ang nasira sa Tanimbar Islands.
Ayon sa BNPB, ang pinakamalakas na pag-uga ay naramdaman sa Saumlaki, ang pinakamalaking bayan ng kapuluan na may populasyon na 8,000 katao.
Sinabi ni BNPB spokesperson Abdul Muhari, “For casualties, the local disaster agency reported one person was injured. The jolt was felt strongly (in Tanimbar) between three to five seconds.
Sa mga larawang ibinahagi ng ahensya ay makikita ang pinsala sa mga tahanan sa ilang mga nayon sa Southwest Maluku Regency.
Sa mga video na ipinost ng users sa Twitter, ay makikitang nagdulot ng pag-uga ng mga poste ng ilaw ang pagyanig at naging sanhi ng pagtatakbuhan ng mga residente palabas sa mga lansangan ng Tual, isang daungan sa Maluku archipelago.
Ang Indonesian geophysics agency ay unang nagbabala tungkol sa isang potensiyal na tsunami, ngunit binawi rin ito.
Naramdaman ang lindol hanggang sa Darwin, kabisera ng Northern Territory ng Australia, kung saan hindi bababa sa 1,000 katao ang nag-ulat nito sa ahensya ng Australian Geoscience.
Ang Indonesia ay malimit makaranas ng seismic activity dahil sa posisyon nito sa Pacific “Ring of Fire,” kung saan nagbabanggaan ang mga tectonic plate.
Noong Nobyembre 21, isang 5.6-magnitude na lindol ang tumama sa mataong lalawigan ng West Java sa pangunahing isla ng Java, na ikinamatay ng 602 katao.
Isang malaking lindol naman sa Sumatra noong Disyembre 26, 2004 ang nagdulot ng tsunami sa Indian Ocean, na ikinasawi ng mahigit 230,000 katao hanggang sa Sri Lanka, India at Thailand.
Ang malakas na 9.1-magnitude na lindol ay nag-trigger ng 100-talampakang alon na tumama sa baybayin ng Banda Aceh sa Sumatra.
© Agence France-Presse