Inflation outlook ngayong 2023, itinaas ng DBCC
Nirebisa ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang inflation outlook nito sa bansa ngayong taon.
Mula sa kasalukuyang 2.5% to 4.5% itinaas ng DBCC ang inflation assumption nito sa 5 to 7% sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng pagkain, enerhiya, at transportation.
Sa isang briefing, tiniyak ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, pinuno rin ng DBCC, ang commitment ng gobyerno na mapababa ang inflation rate.
“Nevertheless, the government, through the inter-agency committee on inflation and market outlook (IAC-IMO), is committed to pursuing an all-of-government approach to continuously implement immediate and medium-term strategies to alleviate inflation, ensure food and energy security, and return to the target range of 2-4% between 2024 and 2028,” paliwanag ni Sec. Pangandaman.
Bahagyang bumagal ang paggalaw sa presyo ng bilihin noong Marso sa 7/6%, mas mababa ng kaunti sa 8.6% noong Pebrero at sa 14-year high na 8.7% noong Enero.
Inaasahan ng monetary authorities na babalik within-target levels ang inflation sa huling quarter ng taon, sa average inflation forecast na 6% para sa 2023.
Samantala, ibinaba naman ng DBCC ang peso-dollar exchange rate assumption para sa 2023 sa $53 hanggang $57 at inaasahang mananatili sa parehong antas hanggang 2028.
Sa projection din ng DBCC, tataas sa P6.62-trillion sa 2028 mula sa kasalukuyang P3.73-trillion ang mid-term revenue collections, bunsod ng bagong revenue measures na ipatutupad ng pamahalaan.
Kabilang sa revenue measures na ipapatupad ng gobyerno ang pagsusulong sa priority legislation na inilatag ng administrasyon sa Kongreso.
Kabilang dito ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act na target makalikom ng P25-billion; VAT on Digital Service Provider o ang 12% VAT mula sa foreign digital service; Excise Tax sa single-use plastics at iba pang inumin; Excise Tax sa sweetened beverages gaya ng canned juice, softdrinks at katulad na uri; Motor Vehicle Road User’s Tax o buwis para sa bike lanes; at Mining Fiscal Regime o ang equitable government revenue na mula sa resource utilization.
Vin Pascua