Inflation rate noong Mayo bumaba sa 6.1% – PSA
Sa ika-apat na pagkakataon ay muling bumagal ang inflation rate ng bansa.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) naitala sa 6.1% ang inflation rate noong Mayo, kumpara sa 6.6% na naitala noong Abril.
Pangunahing nagbunsod sa pagbagal ng inflation rate ang presyo ng produktong petrolyo, transport cost, gayundin ang presyo ng ilang pagkain.
Ang May inflation ay pasok pa rin sa 5.8% hanggang 6.6% na pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa tala ng PSA bumaba sa average 18.5% year-on-year ang presyo ng gasolina noong Mayo kumpara sa 11% noong Abril.
Bumagsak din ang transport cost sa 0.5% noong Mayo, matapos itong tumaas sa 2.6% noong Abril.
Sinabi ng PSA na ang pagbagsak sa transport costs ang nagbunsod sa halos kalahati ng pagbaba sa inflation rate noong Mayo.
Nakapag-rehistro rin ng mababang inflation rate ang Food at non-alcoholic beverages, o 7.4% noong Mayo kumpara sa 7.9% nang sinundang buwan.
Naitala rin sa 7.7% mula sa 7.9% noong Abril ang core inflation.
Gayunman, nananatili pa ring mataas ang May inflation rate sa target na 2 to 4% ng gobyerno dahil ang average inflation mula Enero hanggang Mayo ay nasa 7.5% pa rin.
Umaasa naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas na bababa ang inflation rate within the target na 2 hanggang 4% sa huling bahagi ng taon.
Meanne Corvera