Initial report ng DOJ sa anti-drug war operations ng pulisya, maaaring ilabas sa katapusan ng Nobyembre
Maaaring mailabas na sa katapusan ng buwan ng Department of Justice (DOJ) ang partial o initial report nito sa ginagawang pagrebyu sa anti-drugs operations ng PNP.
Ang DOJ ang namumuno sa binuong review panel ng pamahalaan sa operasyon sa iligal na droga ng pulisya.
Aminado si Justice Secretary Menardo Guevarra na nakaapekto ang pandemya sa paggalaw o pagtungo ng panel sa ibat-ibang istasyon ng law enforcement agencies para siyasatin ang mga case files.
Una nang inihayag ni Guevarra sa United Nations Human Rights Council noong Hunyo na nagsasagawa ang DOJ ng “judicious review” sa mahigit 5,000 drug operations ng PNP na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Gayunman, sinabi ng kalihim na para sa kanya ay hindi na kailangang isa-isahin ang mga kaso.
Ito ay kung may lalabas naman anya na malinaw na pattern sa pag-eksamin sa sapat na random samplings ng mga kaso.
Ilan sa kasama ng DOJ sa review panel ang DILG, DFA, PDEA, PNP, NBI at Presidential Human Rights Committee Secretariat.
Moira Encina