Integridad ng Civil Service examination, tiniyak kahit pa gawing online na ang pagsusulit sa susunod na taon
Kaligtasan at kaginhawaan ng publiko ang pangunahing dahilan kung bakit gagawin nang online ang Civil Service examination sa susunod na taon.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, CSC Commissioner, ito ang hakbang ng ahensya patungo sa new normal dulot ng Covid-19 Pandemic.
Hindi na aniya kakayanin kung ipatutupad pa ang pen and paper exam ng mahigit 250,000 examinees sa buong bansa.
Sinimulan na rin aniya ng CSC ang initial discussion ukol dito upang pagpasyahan kung gagawin nang Regional o Nationwide ang pagsusulit at kung lilimitahan pa rin ang bilang ng examinees.
Pag-uusapan din aniya kung mula sa dalawang beses kada taon na pagdaraos ng pagsusulit ay posible na itong maragdagan kung gagawin nang online ang eksaminasyon.
Kukonsulta rin aniya sila sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa mga ipatutupad na guidelines.
Tiniyak naman ni Lizada na mananatili ang integridad ng pagsusulit kahit ito ay online na.
Atty. Aillen Lizada, CSC Commisisoner:
“Hindi ibig sabihin na kung ano ang test questions mo ay the same ang test questions ng iba. Yun ang maganda sa online kasi malaki ho ang test bank ng CSC. So kung magpo -program kami for example, English- 30 person, Math 30 person so randomly the computer will show. Kung ano ang test question sa iyo it will not be the same kasi iba rin ang number 4 at number 5 ng kasama nyo. It can be that way”.
Kasabay nito, hinikayat ni Lizada ang mga nasa kolehiyo na kumuha na ng eksaminasyon habang nag-aaral pa upang kapag pumasa at maka-graduate na ay handa na at kwalipikado nang pumasok sa gobyerno.