Intelligence fund ng Philippine Coast Guard dinagdagan ng Kamara
Itinutulak ng ilang kongresista na miyembro ng House Committe on Appropriations na madagdagan ang pondo ng Philippine Coast Guard o PCG sa susunod na taon partikular sa kanilang intelligence fund.
Sa budget briefing ng Department of Transportation o DOTr na tumagal ng higit labintatlong oras, natanong ni congressman Romeo Acop Jr. si PCG Commandant Admiral Artemio Abu kung magkano ang kanilang pondo para sa intelligence fund bilang tanod-bayan na nagbabantay sa territorial water ng bansa lalo na sa West Philippine Sea.
Ayon kay Abu mula pa noong 2010 nanatiling 10 million pesos ang intelligence fund ng PCG.
Humingi ang PCG ng 144 million pesos para maipatupad ang atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bantayan ang baybayin ng bansa ngunit hindi napagbigyan.
Dahil dito hiniling ni Congressman Rufus Rodriguez sa House Committe on Appropriations na gawing 100 milyong piso ang intelligence fund ng PCG na kukunin sa pondo ng Office of the Secretary ng DOTr.
Kabuuang 24 bilyong piso ang panukalang pondo ng PCG para sa susunod na taon.
Vic Somintac