Interest ng publiko dapat maging prioridad ng mga kakandidato – Senado Go
Unahin ang interest ng mamamayan.
Ito ang payo ni Senador Christopher Bong Go kay Quezon City 1st District Congressman candidate Arjo Atayde matapos malaman na isa si Senador Go sa kaniyang iniidolo at nais na tularan sakaling maging mambabatas.
Ayon kay Go, hindi magkakamali si Atayde at iba pang mga baguhang kandidato kung laging uunahin ang pagbibigay serbisyo at mamahalin ang mamamayang Filipino.
Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng kanyang pagbibigay ng tulong sa 149 na pamilya na nasunugan sa Maharlika Village sa Taguig City.
Magugunita na una nang nagpakita ng suporta si dating DICT Secretary at dating Senador Gregorio Honasan kay Atayde dahil sa kanyang adbokasiya na magkaroon ng libreng wifi sa buong kapulungan ng bansa.
Isinusulong din ni Atayde ang aksyon agad sa serbisyo publiko sa mamamayang Filipino.
Noong kasagsagan ng hagupit ng pandemya nagboluntaryo si Atayde na tumulong sa pamamahagi ng gamot at bitamina sa mga kababayan at namahagi rin ng pagkain sa mga mahihirap na apektado ng pandemya.
Dahil sa nakita niya ang hirap na nararanasan ng mga kababayan ito raw ang nagtulak para siya ay tumakbo bilang kongresista ng 1st District ng Quezon City.
Meanne Corvera