International inbound flights diversion mula sa Mactan Cebu papuntang NAIA, pinalawig ng Malakanyang
Pinahaba pa ng Malakanyang ang diversion ng International inbound flights sa Mactan Cebu International Airport papuntang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque naglabas ng kautusan si Executive Secretary Salvador Medialdea na hanggang June 12 pa idi-divert ang international inbound flights sa NAIA na dapat sana ay lalapag sa Mactan Cebu International Airport.
Ayon kay Roque, pangunahing dahilan ng flight diversion mula Cebu papuntang NAIA ay ang isyu sa health protocol na ipinatutupad ng Inter Agency Task Force o IATF sa mga international passenger na pinapayagan na makapasok sa bansa.
Magugunitang nagkaroon umano ng kakulangan sa mga hotel rooms sa Cebu para gamitin na quarantine base facility ng mga Returning Overseas Filipinos at Overseas Filipino Workers kaya sa halip na lumapag direkta sa Cebu ang mga inbound international flights ay idinivert sa NAIA dahil available pa ang mga quarantine hotels sa Metro Manila.
Nag-usap narin sina Pangulong Rodrigo Duterte at Cebu Governor Gwendolyn Garcia hinggil sa isyu ng flight diversion ng inbound international flights sa Mactan Cebu International Airport papuntang NAIA.
Vic Somintac