Ipinatupad na 4-day work week scheme sa Korte Suprema, naging counter-productive
Inamin ng Korte Suprema na naging counter-productive ang ipinatupad nitong 4-day work week arrangement sa harap ng sobrang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa memorandum order na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi na nagdulot ng “inconvenience” o abala sa maraming kawani ng Supreme Court ang 10 oras kada araw na iskedyul sa trabaho.
Na-obserbahan din aniya ng mga hepe ng mga tanggapan na counter-productive ang nasabing work scheme.
Dahil dito, sinabi ni Gesmundo na kailangang ipatupad ang revised flexible working schedule.
Sisimulang ipatupad ang nirebisang work arrangement sa Abril 4.
Sa ilalim nito, apat na araw obligadong pumasok on-site ang mga opisyal at empleyado ng SC habang ang isang araw na pasok ay work-from-home.
Ang opisyal na pasok ay mula alas- 8 ng umaga hanggang alas-4:30 ng hapon.
Hahatiin sa dalawang grupo ang workforce ng bawat opisina kung saan ang unang grupo ay mula Lunes hanggang Huwebes ang pasok on-site habang ang ikalawang grupo ay mula Martes hanggang Biyernes.
Moira Encina