Iraqi PM, nakaligtas sa drone assassination attempt
Nakaligtas at hindi nasaktan si Iraqi Prime Minister Mustafa al-Kadhemi, sa tangkang asasinasyon sa kaniya gamit ang drone na may nakakabit na mga pampasabog.
Kinondena ni US President Joe Biden ang aniya’y terrorist attack at nagpasalamat na hindi nasaktan si Kadhemi.
Ayon naman kay Iraqi President Barham Saleh, ang nangyari ay isang tangka ng kudeta laban sa constitutional system.
Sinabi ng security sources na tatlong drones ang pinakawalan malapit sa isang tulay sa Tigris River, ngunit dalawa rito ang napigil, at may nasugatan ding dalawang bodyguards sa nangyaring pag-atake.
Ang 54 anyos na si Kadhemi, ay nagsasagawa ng pulong sa kaniyang tanggapan sa high-security Baghdad Green Zone nang maganap ang overnight attack.
Nangyari ito dalawang araw matapos makasagupa ng security forces ang supporters ng Iran-backed parties na hindi nagwagi sa October 10 parliament election, at nag-aakusang biktima sila ng mga iregularidad sa halalan.
Kaugnay ito ng matinding tensiyon na may kinalaman sa eleksiyon, na ika-lima na mula nang lumaya ang Iraq sa pananakop ng US noong 2003.
Samantala, isinisisi naman ni Iran foreign ministry spokesman Said Khatibzadeh sa US ang nangyaring pag-atake, na nanguna sa 2003 Iraq invasion na nagpatalsik kay Saddam Hussein.
Ayon kay Khatibzadeh . . . “Such incidents are in the interest of those who have violated the stability, security, independence at territorial integrity of Iraq over the past 18 years.”
Mariin ding kinondena ng NATO at ni British Prime Minister Boris Johnson ang nangyari, habang sinabi naman ng European Union na dapat papanagutin ang attackers.
Bumuhos din ang pagkondena sa nangyaring drone attack mula sa regional powerhouse na Saudi Arabia at iba pang Gulf states, maging mula sa mga katabing bansa na Jordan at Syria at UN Assistance Mission for Iraq.
Ayon naman sa analyst na si Renad Mansour ng Chatham House think tank . . . “The attack was clearly linked to the government formation process.”
Wala pang grupong umaangkin sa naturang pag-atake. (AFP)