Hurricane Beryl isa nang Category 5 Hurricane
Lumakas pa sa Category 5 status ang Hurricane Beryl, matapos manalasa sa magkabilang panig ng southeastern Caribbean, taglay ang mapaminsalang hangin at storm surge na na-trigger ng hindi pangkaraniwan init sa Atlantiko.
Ang Hurricane Beryl ay naglandfall sa Carriacou sa Grenada bilang Category 4 storm sa Atlantiko, ngunit kalaunan ay sinabi ng National Hurricane Center sa Miami, na lumakas pa ang hangin nito sa 160 mph (260 kph).
Samantala, may isa nang namatay sa pananalasa ng Category 5 Hurricane Beryl sa Carriacou Island sa Grenada.
Sinabi ng Prime Minister ng St. Vincent at Grenadines, na isa na ang namatay sa Bequia Island pagkatapos dumaan ng Hurricane Beryl sa St. Vincent at Grenadines.
Ang Bequia ang pinakamalaking isla sa Grenadines, na tinatayang siyam na milya mula sa kabisera na Kingstown, sa main island ng Saint Vincent.
Ayon kay Prime Minister Ralph Gonsalves, maaaring marami pa ang namatay, ngunit sa ngayon ay isa pa lamang ang opisyal na nakumpirma.
Bago maglandfall, ang bagyo ay nag-ipon ng lakas habang kumikilos patungo sa Windward Islands, na kinaroroonan din ng Grenada, St. Vincent, Grenadines at Petite Martinique.
Ayon sa mga opisyal, ang hurricane ay nagdulot ng malubhang pinsala sa mga eskuwelahan, mga bahay at mga gusali, maging sa mga bukirin at mga ari-arian sa rehiyon.
Bagsak din ang komunikasyon sa ilang lugar sa bansa, kaya’t hindi pa talaga alam ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala.
Ang Union Island sa Saint Vincent at sa Grenadines ang nagtamo ng pinakamalalang pinsala, kung saan 90% ng mga bahay sa isla ang naapektuhan, at ang bubong ng Union Island airport ay nilipad ng bagyo.
Nakatakda namang bumisita ngayong araw ni Gonzalves sa Grenadine Islands.
Nitong nakalipas na Sabado at Linggo, mula sa pagiging isang tropical depression ay naging isang Category 4 Hurricane si Beryl sa loob lamang ng 48-oras, kaya ito ang naging pinakaunang Category 4 na naitala para sa Atlantic Basin, na sumira sa record ng Hurricane Dennis noong July 7, 2005. Ang Hurricane Beryl ang kauna-unahang Category 4 na naitala sa buwan ng Hunyo.
Ang hurricane ay ibinaba na sa Category 3 noong Linggo ng gabi, ngunit muling lumakas at bumilis nang ito ay nasa ibabaw na ng warm ocean at itinaas sa Category 4 Lunes ng umaga.
Ang ocean temperatures sa lugar kung saan naroroon si Beryl ay 2 – 3 degrees na mas mataas kaysa normal sa unang pagkakataon ngayong taon. Ang nabanggit na mga temperatura ay hindi karaniwang nangyayari hanggang Setyembre.
Ang Hurricane Beryl ay kumikilos nang pa-kanluran sa bilis na 20 mph. Inaasahan na ang pagbabago sa lakas nito, ngunit tinatayang mananatili sa kaniyang major status sa maghapon habang dumaraan sa Windward Islands.
Ang Hurricane Beryl ay inaasahang magbabagsak ng kabuuang 3 – 6 na pulgadang ulan sa buong Barbados at sa Windward Islands, habang ang Grenadines at ay maaaring makaranas ng hanggang 10 pulgada ng ulan at flash flooding sa vulnerable areas.
Patuloy namang tatahak ang bagyo patungo sa Jamaica, na inaasahang darating doon bukas, Miyerkoles.
Hindi man direktang maglandfall sa Jamaica, magiging napakalapit naman nito na posibleng magdulot din ng pinsala.