Isa pang grupo ng kabataan naghain ng petisyon laban sa proklamasyon ng Duterte Youth at sa kinatawan nito na si Ducielle Cardema
Kinuwestyon ng isa pang grupo ng mga kabataan sa Supreme Court ang proklamasyon ng Comelec sa Duterte Youth at sa first nominee nito na si Ducielle Cardema.
Sa kanilang petition for certiorari, hiniling ng Youth Fight Back Alliance na ibasura ng Korte Suprema ang resolusyon ng poll body na nagproklama kay Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth.
Nanawagan din ang grupo sa Comelec na sundin ang Saligang Batas at ang mandato nito na tiyakin ang malinis at maayos na eleksyon, at huwag bigyan ng pabor ang sinumang grupo.
Una na ring naghain ng hiwalay na petisyon ang Youth Act Now Against Tyranny laban sa proklamasyon nina Cardema at Duterte Youth.
Samantala, bahagyang nagkatensyon habang nagpoprotesta ang kabataang organisasyon nang kunin ng mga pulis ang kanilang mga tarpaulin at sinabayan din sila ng rally ng mga magulang ng mga missing student activist.
Ayon sa mga pulis, hindi nasusunod ng mga raliyista ang physical distancing kaya sila sinita at pinatigil.
Moira encina