Isa pang Pinoy namatay sa kaguluhan sa Israel –DFA Sec Manalo
Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na isa pang Pilipino ang namatay sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon kay Manalo, natanggap nila ang kumpirmasyon mula sa gobyerno ng Israel.
Hindi tinukoy ng kalihim ang pagkakakilanlan ng biktima bilang respeto sa kahilingan ng pamilya nito.
Pero tiniyak aniya ng Department of Foreign Affairs (DFA)sa pamilya ng biktima ang tulong ng gobyerno sa mga ito.
Wala nang ibinigay na iba pang detalye ang DFA ukol sa biktima at kung paano ito namatay.
Dahil dito, kabuuang apat na Pinoy na ang nasawi dahil sa bakbakan sa Israel.
Samantala, nagpahayag ang gobyerno ng Pilipinas ng labis na kalungkutan sa pag-atake sa Al Ahli Arab Hospital sa Gaza kung saan daan-daang sibilyan ang nasawi.
Ayon sa DFA, nakikidalamhati ang Pilipinas sa mga inosenteng buhay na pumanaw sa hospital bombing na kinabibilangan ng mga medical practitioner, mga bata, mga sugatan, at mga displaced na indibiduwal na nanunuluyan sa pasilidad.
“The Philippines is profoundly saddened over the recent bombing of the Al Ahli Arab Hospital in Gaza. We grieve for the hundreds of innocent lives lost in this tragic incident, non-combatants which include medical practitioners, children, the wounded, and displaced individuals who only sought shelter at the facility.
All parties should do their utmost to protect civilians in times of war and armed conflict. We support efforts of the United Nations to provide humanitarian relief in the conflict areas.” pahayag ng DFA.
Nanawagan ang DFA sa lahat ng partido na protektahan ang mga sibilyan sa panahon ng giyera at armadong pakikibaka.
Suportado naman ang DFA ang mga hakbangin ng United Nations para magkaloob ng humanitarian relief sa mga lugar ng bakbakan.
Wala namang pahayag ng pagkondena sa insidente.
Nagtuturuan ang Israel at Hamas sa kung sino ang nasa likod ng pambobomba sa pagamutan.
Moira Encina