Isa pang suspek sa Degamo murder bumaligtad sa testimonya
Limang suspect na sa Degamo murder ang nag-urong ng kanilang mga naunang testimonya ukol sa kanilang papel at nalalaman sa krimen.
Pinakabago sa naghain ng affidavit of recantation o salaysay ng pag-urong si Joven Javier.
Kabilang si Javier sa 11 suspect na hawak ng owtoridad sa kaso ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso.
Ang recantation ay inihain ng abogado ni Javier na si Atty. Danny Villanueva nitong Biyernes ng hapon sa Manila Regional Trial Court (RTC).
Partikular sa binawi ni Javier ang kaniyang pag-amin sa pagpaslang kay Gov. Degamo at ang pagdiin kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. bilang utak sa krimen.
“Ang pinaka-una na binabawi ni Ginoong Javier ung kaniyang diumano’y pag-amin na siya ay kasama sa dalawang beses na pagtatangka sa buhay ni Gob. Degamo at naging bahagi sa Pamplona massacre noong March 4,” paliwanag ni Atty. Villanueva.
“Itinuro niya ang isang safe house malapit sa matandang bahay ng mga Teves at malapit daw sa Tolong Farm na pag-a-ari din daw ng Teves na dun sila naglagi bago ang krimen, dun sila nagplano, dun sila nag-stage ng sinasabing pagpasok sa compound ng Degamo noong March 4,” dagdag pa ng abugado.
Isa si javier sa mga suspek na nahuli sa manhunt operations ng mga otoridad matapos ang pamamaslang noong Marso 4.
Ayon kay Atty. Villanueva, hindi kusang-loob at tinakot at sinaktan ang kaniyang kliyente ng mga sundalo at pulis kaya nito nilagdaan ang mga salaysay na inihanda ng mga otoridad.
“Siya ay hinuli ng mga miyembro ng Philippine Army, doon pa lang ay sinaktan na siya sapagkat sinubsob ang mukha at inapakan ang ulo… dinala sa police station… sabi niya sa kaniyang hita tinusok ng mahabang baril habang iniipit ay pinipilit pa-aminin na siya ay kasama sa pumasok residence ng Degamo sa Pamplona,” pagdidiin pa ni Atty. Villanueva.
Noong Lunes ay una na ring nag-retract sa Department of Justice (DOJ) ang apat na suspek na sina Jhudiel Rivero, Dahniel Lora, Romel Pattaguan, at Rogelio Antipolo Jr.
Kasabay nito, nagsampa ng petition for habeas corpus ang abogado sa Manila RTC para maiharap sa korte si Javier.
Sinabi ni Villanueva na may panganib sa buhay ni Javier dahil may plano na patayin ito.
“Nakatanggap siya ng impormasyon na from the time na itinuturing na siya ay uncooperative… sabi niya gagawa ng scenario na siya ay palalabasin na tatakas o kaya ay nag-amok para ma-justify na siya ay patayin,” pahayag pa ni Villanueva.
Una nang sinabi ng DOJ na iimbestigahan nila ang mga paratang ng torture.
Pero duda ang kagawaran na sa katotohanan ng alegasyon dahil naging maingat sila sa paghawak sa mga suspek lalo na’t maituturing silang biktima at testigo.
Tiwala rin ang DOJ na solido ang kaso nila kahit bumaligtad ang mga suspek at ang recantation ay laro lamang ng kampo ni Teves.
“Yung trato namin dito sa mga suspects na ito, yung mga witnesses din. Pwede din kasi i describe as witnesses or even victims in this case, so why would the DOJ or the PNP subject them to any sort of maltreatment. Kailangan ho maging cooperative sila, kailangan maganda yung kalagayan nila para maging free wiling or voluntary po yung mga sinasabi nila,” paliwanag ni DOJ Spokesperson Mico Clavano.
Bukod sa retraction at petition for habeas corpus, naghain ang kampo ni Javier ng urgent motion sa korte na manatili ito at ang apat na ibang suspek sa detention center ng National Bureau of Investigation (NBI).
May impormasyon din si Atty. Villanueva na maghahain din ng retraction ang iba pang suspek.
Itinanggi naman ng kampo ni Congressman Teves ang pahayag ng DOJ na posibleng sila ang nasa likod o may kinalaman sa retraction ng mga suspek.
Moira Encina