Isa pang suspek sa Quiapo bombing noong panahon ng ASEAN summit, naaresto at kinasuhan ng MPD
Nadakip at nakasuhan na ng Manila Police District ang isa pang suspek sa pagsabog sa Quiapo, Maynila noong Abril 28 sa panahon ng ASEAN Summit na ikinasugat ng 13.
Kinilala ng MPD ang naarestong suspek na si Raymond Mendoza, bente uno anyos.
Nadakip si Mendoza noong July 17 sa kanto ng Carriedo Street at Sales St. sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre trenta’y otsong revolver, dalawang bala at isang fragmentation hand grenade.
Isinalang ito sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office kung saan ipinagharap ito ng reklamong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, posibleng maharap si Mendoza sa karagdagang reklamo dahil ang kanyang pangalan ay isinasangkot ni Abel Macaraya, ang unang suspek na naaresto sa pagsabog
Si Macaraya na unang nadakip ng pulisya ang itinuro ng mga testigo at nakita rin sa CCTV footage na naglagay ng kahina-hinalang package sa pinangyarihan ng pagsabog sa Soler Street.
Ulat ni: Moira Encina