Isa sa mga akusado sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo, pinalaya na
Ipinagutos na ng Angeles City Regional Trial Court ang paglaya ng isa sa mga akusado sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Ito ay matapos na ihain ng DOJ ang amended information noong Lunes at inalis na bilang akusado at inabswelto sa kaso si Ramon Yalung.
Ayon sa DOJ panel, matapos ang isinagawang reinvestigation, hindi naman idinamay nina SPO4 Roy Villegas, SPO3 Ricky Sta Isabel at Jerry Omlang si Yalung na kasama sa mga dumukot at pumatay kay Jee.
Tatlong buwan na nakulong si Yalung sa Angeles City District Jail dahil sa pagdawit sa kanya ng kasambahay ni Jee na si Marissa Morquicho.
Ipinagpaliban naman ng hukuman sa May 31 ang pagbasa ng sakdal kina Sta Isabel at Villegas na pawang mga orihinal na akusado sa kaso.
Ulat ni: Moira Encina