Isa sa mga suspek sa Degamo murder, binawi ang testimonya
Bumaligtad na ang isa sa mga suspek sa Degamo killing.
Nitong Lunes ay humarap si Jhudiel Rivero alyas Osmundo Rivero sa Department of Justice (DOJ) para panumpaan ang kaniyang kontra-salaysay at affidavit of recantation.
Nakaposas at guwardiyado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Rivero nang dalhin sa DOJ.
Ayon sa isa sa mga abogado ni Rivero na si Atty Harold Montalbo, una na nilang hiniling sa DOJ prosecutors na muling buksan ang pagdinig sa mga reklamong murder, frustrated murder at attempted murder laban sa kanilang kliyente.
Sinabi ng legal counsel na binawi na ni Rivero ang nauna niyang tatlong salaysay na umaamin ng kaniyang partisipasyon at nalalaman sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa limang pahinang kontra-salaysay ni Rivero, sinabi nito na tinorture at pinilit lamang siya ng pulisya na ituro si Congressman Arnolfo Teves Jr. na siyang nag-utos na patayin si Degamo.
Binantaan din umano si Rivero ng mga pulis na kung hindi ito aamin ay ipapahamak ang kaniyang pamilya.
Dahil aniya sa takot ay sumunod na lang si Rivero kahit hindi niya kilala o nakausap si Teves.
Pinayuhan din umano si Rivero ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) na ibinigay sa kaniya na sumunod na lang sa mga gusto ng pulis.
Ayon pa kay Rivero, ipinaliwanag ng kaniyang pribadong abogado na labag sa karapatan nito ang ginawa ng mga pulis.
Inihayag pa ni Rivero na kinuha ang kaniyang pamilya noong Marso 8 at hanggang ngayon ay hindi niya alam kung nasaan ang mga ito.
Si Rivero ay dating sundalo at ikaapat sa mga nahuling suspek noong Marso 5 sa Bayawan City.
Moira Encina