Isa sa most wanted sa South Korea dahil sa pyramiding scam, arestado ng BI
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Las Piñas City ang isa sa mga most wanted sa South Korea na sangkot sa multi-milyong dolyar na pyramiding scam.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang pugante na si Ma Yoonsik, kwarentay- singko anyos.
Naisyuhan na si Ma ng summary deportation order ng BI bago pa man ito maaresto at inilagay na rin sa blacklist para di na makabalik sa bansa.
Nasa red notice ng Interpol din ang dayuhan at nais ng Korean embassy na maipa-deport sa Seoul para kaharapin ang kaso laban dito na large-scale fraud.
May warrant of arrest na inisyu ang korte ng South Korea laban kay Ma noon pang Nobyembre.
Sa ngayon ay inilipat na sa NBI ang kustodiya sa Korean swindler para matiyak na hindi ito makakatakas bago maideport.
Sinabi ni Morente na nakipagsabwatan si Ma sa anim na iba pang Korean sa pagtatag ng isang kumpanya sa Pasay City kung saan sila nag-operate ng kanilang pyramiding racket na nakapanloko ng daan-daan mga biktima sa Korea at Pilipinas.
Ulat ni: Moira Encina