Isang consumer group, nanawagan sa FDA na ipagbawal ang paggamit ng anti-bacterial agent na Triclosan sa mga ibinebentang household at personal care products sa bansa

Umapela sa Food and Drugs Administration o FDA ang consumer watchdog group na Coalition of Filipino Consumers na ipagbawal na rin sa bansa ang paggamit ng kemikal na Triclosan.

Ang triclosan ay isang anti-bacterial agent na pangkaraniwang sangkap ng mga personal care at household products gaya ng sabon, toothpaste at shampoo.

Sa isang pulong balitaan sa Maynila, inihayag ni CFC Vice-president for Health Jackson Caillo na naghain na sila ng mosyon sa FDA na humihiling na ipagbawal ang pagbenta ng mga produktong may sangkap na triclosan.

Ayon sa grupo, noong 2017 ay pinal na ipinagbawal ng US FDA ang paggamit sa nasabing kemikal sa mga hand wash at sabon at iba pang personal care products.

Idineklara rin ng US FDA ang Triclosan at 23 iba pang anti-bacterial chemicals na hindi ligtas para sa human consumption.

Batay daw sa pag-aaral, inuugnay ang Triclosan sa pagkakaroon ng mga allergies, hika, eczema, cancer at maari ding magresulta sa paghina ng immune system.

Kaugnay nito, hinimok ng CFC ang publiko na suriing mabuti ang mga binibiling produkto sa merkado na may halong triclosan at iba pang harmful chemicals.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *