Isang gobernador ng Russia nagbabala na hihirap pa ang sitwasyon habang tumataas ang baha
Nagbabala ang gobernador sa Kurgan region na lalo pang hihirap ang sitwasyon sa mga susunod na oras, habang nagbabanta namang lumubog ang libu-libo pang mga bahay sanhi ng baha sa southern Russia.
May malawakang pagbaha sa Urals regions ng Russia at katabing Kazakhstan, dulot ng pagkatunaw ng yelo na nagpaapaw sa mga ilog, na pinalala pa ng malakas na mga pag-ulan.
Sa ilang mga lugar, ang bubungan na lamang ng mga bahay ang makikita sa ibabaw ng tubig-baha, na nagpalubog sa buong kapitbahayan.
Sa Kazakhstan, mahigit sa 107,000 katao ang inilikas mula sa kanilang tahanan ayon sa ulat ng TASS state news agency.
Sa Petropavl, kabisera ng North Kazakhstan Region, ang pagbaha ay inaasahang aabot sa kaniyang ‘peak’ sa loob ng 24-oras, ayon naman sa Kazinform agency.
Ang spring flooding o pagbaha sa tagsibol ay regular na nangyayari, ngunit ngayong taon ay mas grabe kaysa karaniwan.
Sinabi ng mga siyentipiko, na ang climate change na resulta ng pagsusunog ng tao ng fossil fuels ang nagpapalala sa panganib ng ‘extreme weather events’ gaya ng mga pagbaha.
A view of the flood-hit city of Petropavl in northern Kazakhstan close to the border with Russia on April 14, 2024. (Photo by Evgeniy Lukyanov / AFP)
Una nang sinabi ni Kazakh President Kassym-Jomart Tokayev, na ito na ang pinakamalalang sakunang dinanas nila sa nakalipas 80 taon.
Umabot na sa 34,000 mga bahay sa southern Orenburg sa Russia ang lumubog na sa baha, dahil sa pagtaas ng Ural river.
Papalala naman ang sitwasyon sa malayong timugan ng Kurgan region.
Sinabi ni Governor Vadim Shumkov, “A very complex situation with rising water is forecast.” Mabilis naman ang pagtaas ng lebel ng Tobol river.
Aniya, “Fresh rainfall was making the situation worse, and the Tobol had risen 25 cm (10 inches) in two hours. But some were refusing to evacuate.”
Sa ulat ng RIA Novosti news agency, tinaya ng Russian emergency services ministry na mahigit sa 18,000 katao ang maaaring bahain sa Kurgan region.
Sa isa niyang post sa Telegram, ay hinimok ni Shumkov ang mga residente na agad lisanin ang mga lugar na binabaha na habang maliwanag pa, dahil pagdating ng gabi ay maaaring patayin nila ang street lights bilang pag-iingat.