Isang grupo umapela, sa pamahalaan na kalingain ang mga mangingisdang apektado ng sigalot sa West Philippine Sea
Nanawagan sa gobyerno ang grupong oceana, isang international advocacy organization na nakatutok sa pangangalaga sa mga karagatan sa buong mundo na unahin ang kapakanan ng mga maliliiit na mangingisdang naapektuhan ng West Philippine Issue.
Sinabi ni OCEANA Vice President Atty. Gloria Estenzo Ramos, na naiipit ang mga pilipinong mangingisda sa nabanggit na isyu.
Aniya, apektado ang kanilang kabuhayan ng illegal, unreported at unregulated na pangingisda mula sa mga dayuhan at maging sa mga local na mga mangingisdang sumisira sa likas na yamang dagat sa lugar.
Binigyang diin ni Ramos na tungkulin ng mga law enforcement agencies, ng Department of Environment and Natural Resources, at Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na pangalagaan ang karagatan, ang tahanan at pangitlugan ng mga isda at iba pang yamang-dagat at ecosystem.
Ayon kay Ramos, ang kasalukuyang gusot sa West Philippine Sea ay dapat maging daan sa malawakang pagpapatupad ng batas na magtitiyak na ligtas ang mga mangingisda.
Binanggit niya na malinaw ang batas sa pangisdaan na nagtatakda ng pagkakabit ng tracking device sa mga komersyal na barkong pangisda.
Hindi aniya matitiyak na ligtas ang mga kababayang nangingisda sa Kalayaan Island Group kung patuloy na ipagwawalang-bahala ang naturang alituntunin ayon sa ating batas.
Nanawagan ang Oceana at mga kasama nito mula sa mga lokal na pamahalaan, grupo ng mga mangingisda at mga non-government organization sa lubusang pagpapatupad ng vessel monitoring mechanisms sa lahat ng commercial fishing vessels, na itinakda ng amended Fisheries Code.
Belle Surara