Isang kilalang lechon seller sa bansa at apat na iba pang kumpanya sa Quezon City, sinampahan ng tax evasion complaint ng BIR sa DOJ
Ipinagharap ng BIR Quezon City ng reklamong tax evasion sa DOJ ang isang kilalang lechon producer at seller sa bansa at apat na iba pang kumpanya dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Kabuuang 5.82 million pesos ang hinahabol na tax liability ng BIR sa Elarz Lechon sa Brgy Lourdes, Quezon City para sa bigong mabayarang buwis noong 2013.
Hinahabol din ng BIR ang Federal Builders sa Santolan,Pasig dahil sa 46.32 million pesos na utang sa buwis noong 2009.
Kinasuhan din ang Cellular Network na seller ng mga cellphone at accessories dahil sa di nabayarang buwis na 12.33 million pesos noong 2012.
Umaabot naman sa 44 million pesos ang tax deficiency ng Nationwide Security sa Mandaluyong City para sa taong 2010.
Sinampahan din ng paglabag sa National Internal Revenue Code ang Systems Energizer mula sa Bagumbayan, QC dahil sa di binayarang buwis noong 2010 na umaabot sa 44.94 million pesos.
Naabisuhan na ng BIR ang limang respondents ukol sa kanilang pagkakautang pero bigo pa ring bayaran ang mga buwis.
Ulat ni Moira Encina