Isang language training center sa Cavite, ipinasara ng DMW dahil sa illegal recruitment
Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang language training center sa Silang, Cavite dahil sa sinasabing pagri-recruit ng mga empleyado sa Germany nang walang lisensya mula sa pamahalaan.
Ayon sa DMW, hindi awtorisado ang Volant Academy for Language Excellence, Inc. sa Brgy. Lumil sa Silang, Cavite na mag-recruit ng OFWs.
Photo: DMW
Batay sa mga isinagawang surveillance ng DMW, iligal na nire-recruit ng Volant Academy ang mga estudyante nito bilang nurses, caregivers, auto mechanics, baker, butcher, restaurant specialists at security specialists na may pangakong buwanang sahod na Php 60,000.
Pinapangakuan din anila ng Volant ang trainees nito ng full-time na trabaho sa Germany kapalit ng P515,900 na processing fee, language training fee at practical job training fees.
Inamin anila ng language training center na nakapagpadala na ito ng halos 200 estudyate sa Germany sa pamamagitan ng kanilang programa.
Moira Encina-Cruz